Napansin ni Isay ang pagkakatitig ko sa kanya.
“May dumi ba sa mukha ko?” paguusisa ni Isay
“Wala naman. May muta ka lang.” ang pabirong sambit ko sabay
punas sa gilid ng mata niya para hindi nito mapansin na may iba ng ibig sabihin
ang mga titig ko. Doon ko rin naramdaman ang malambot na balat niya.
Pagkaraan pa ay biglang sumigaw si Marya ng… “Uy, yung
dalawa, nagkakamaigihan na.” pabiro nito na biglaan naman ikinainis ni Isay.
Dahil sa reaksyon ni Isay naisip kong baliwalain na lamang
ang nararamdaman ko sa kanya at manatili nalang kaming magkaibigan.
Oo. Magkaibigan. Magkalaro. Magkababata.
IKALAWANG LARO
Lumipas ang taon at malapit ng magpasko. Ilang araw nalang
at matatapos na ang aming klase kaya mas maluwag na an aming oras. Mas marami
na ang oras ng laro. Gaya ng dati sinundo ako nina Kaloy at Baste sa amin
pagkatapos ng klase. Sabi nila naghihintay na raw si Marya at Isay sa tagpuan.
Daglian naman akong nagpalit ng pambahay at nagtutumakbong tumungo sa labas ng
bakuran naming.
“Anong petsa na Isko? Kay tagal mo kumilos. Mamaya magalit
nanaman sa atin si tandang Marya.” ani Baste.
“Tanda pala ha. Isusumbong kita sa ate.” ang biglang
pagbibiro ni Kaloy at akma na sanang susuntukin ni Baste.
“Awat na nga kayong dalawa.” awat ko sa dalawa. Sabay hatak
sa kamay nila palayo sa bahay patungong tagpuan.
Nagbabangayan parin si Baste at Kaloy pagkadating namin ng
tagpuan. Nagsumbong nga si Kaloy kay
Marya kaya binatukan nito si Baste.
“Asan si Isay?” ang paguusisa ko.
“Nandito lang ako.” Sagot naman agad ni Isay na nagtatagot
sa likod ng duhat na baog.
“Anong ginagawa mo diyan?” tanong naman ni Kaloy.
“Umihi. Wala naman nakasulat na bawal umihi e. Ang tagal nyo
kasi.” reklamo ni Isay.
“Si Isko kasi ang kupad.” Sagot ni Baste.
“Oo nga!” ayon ni Kaloy. “Kaya di makapanligaw sayo Isay.” Bulong
nito.
“Ano kamo Kaloy?” tanong ni Isay.
“Ano ka ba Isay? Di mo parin alam? May paghanga si Isko sa
iyo.” ang pagmamalaki ni Marya.
Namula ang pisngi ni Isay at bigla akong tinukso.
“Pa’no magkakagusto sa akin yan e halos makakapatid na tayo.”
Katwiran ni Isay.
“Oo nga.” Sagot ko. “At isa pa bata pa tayo para magkaroon
ng gusto.” Sunod kong sambit.
“Sabagay di pa nga kayo tuli e.” pangungutya ni Marya.
Nagpatuloy ang pagbibiruan ng lahat. Hangang mapagdesisyonan
na naming maglaro ng patentero pero kulang kami ng manlalaro dapat apatan para
mas masaya at mahirap ang pag-alpas sa bawat guhit dahil may patotot. Nakaisa nalang
kami na maglaro ng piko. Naghanap kami ng kanya kanyang pamato. Ang sabi ni
Nanay dapat daw lapad at pitpit ang bato na gagawing pamato. Gumuhit naman si
Marya ang parang bahay. At nag pompyang uli para malaman kung sino ang una at
ang huling dalawa matitira sa pompyang o maiba alis ay mag-babato- bato-pik.
Si Marya ang nauna at ako ang kulelat sa larong ito.
Paglapag ni Marya ng pamato nya sa unang kahon at nagumpisa na itong kumandirit.
Palukso-lukso siya hangang matapos puntahan ang buong guhit ng piko. Halos
matapos ni Marya ang laro samantalang pinanood naming siya. Nagkaroon sya agad
ng bahay at ito ay mas nagpahirap sa susunod na manlalaro. Dahil sa hindi na
ako natuwa sa nilalaro naming niyaya ko silang mag taya-tayaan nalang. Madali
lang ang larong ito magtatakbuhan lang at ang taya ay tatayain ka sa ulo o
balikat. Para hindi ka mabalagoong dapat mabilis kang tumakbo at mahaba ang
iyong kamay para mataya mo sila. Si Isay ang taya noon at halos mapagod na ito
sa kakahabol sa amin. Tumigil ako ng saglit at hinahabol na ang hininga ko.
Parang hihikain nanaman ako pero nasa kalagitnaan palang ako ng katuwaan kaya
titiisin ko to ang sabi ko sa isip ko ng biglang may kamay na tumama sa likod
ko.
“Ayan ikaw na ang taya Isko.” Ang masayang wika ni Isay.
“Andaya naman. Nagpapahinga pa ako.” ang sagot ko habang
naghahabol ng hininga.
Wala na akong nagawa kundi ang magumpisa sa pagtakbo upang
mataya ang iba ng bigla may matandang babae na galit nag alit at tumatakbo
patungo sa amin. Si Aleng Bebang ay humahangos at galit na galit na lumapit kay
Isay at pinalo nya ito ng kawayan. Sa bawat hampas ng kawayang patpat sa hita
ni Isay, luha at iyak lang ang ipinapalit nito.
“Aleng Bebang tama na po.” ang awat ko.
“Anong tama na? Baka gusto mo tamaan karin sa akin?” ang
tanong niya sa aking habang pinandidilatan ako. Hinatak nalang ako nina Baste
palayo para hindi na kami pagbuntunan ng galit ni Aleng Bebang.
“Wala ka ng inatupag na bata ka kundi ang malaro. Di mo man
lang ako tulungan. Yang mga kalaro mo may kakayahan silang maglaro, ikaw wala
dahil kailangan mo munang tumulong para sa pagbebenta ng karne. Inuuna mo pa
yang laro kaysa sa pangkain natin?” ang galit na galit na sambit ni Aleng
Bebang habang pinapalo si Isay.
Gayon na lamang ang habag ko sa kaibigan naming. Hindi naman
ninais ni Isay na maglaro lang at hindi tumulong. Dahil hindi madaldal talaga si
Marya bigla siyang sumigaw.
“Sabi po nila ang mga matatanda lang dapat ang nagtratrabaho
bakit po ninyo pinagtratrabaho si Isay e bata pa siya!” ang sigaw ni Marya.
Nang akma na pagbuntunan ni Aleng Bebang si Marya ay parang
magiting na bayani na pumagitna si Mang Oka. “Bebang ako na ang magpapaliwanag
sa mga bata. H’wag mong hayaang mamuhi sila sa iyo. At baka pagmulan pa ng ayaw
nyo iyan ni Mareng Ason.” Sabi ni Mang Oka. “At h’wag mo naman latayan si Isay.
Kawawa naman ang bata.” Ang patuloy nito.
“Naku Mang Oka, maswerte kasi ang mga batang iyan. Di tulad namin.”
Katwiran ni Aleng Bebang.
“Bebang nandito lang naman ang mga kapitbahay mo handang
tumulong sa’yo. Magsabi ka lang.” sambit ni Mang Oka.
“Bakit di ko ba kayang buhayin si Isay mag-isa?” paluhang
tanong ni Aleng Bebang.
“Hindi naman sa ga…” ang naputol na wika ni Mang Oka dahil
hindi na ito pinatapos pa ni Aleng Bebang at bumaling na siya kay Isay habang
kinukuha nito ang mga kamay ni Isay para hawakan.
“Simula bukas wala ng maglalaro. Kayong apat huwag nyo ng
yayayain si Isay. At ikaw naman Isay dapat masanay ka ng magbanat ng buto. Kung
hindi tayo iniwan ng damuho mong ama hindi sana ganito kahirap ang buhay natin.”
Patuloy ni Aleng Bebang at kinaladkad niya si Isay patungong looban.
Natakot ako sa tagpong iyon. Gusto kong tulungan si Isay
pero wala naman akong magagawa. Sinisisi naman ni Baste si Marya dahil muntikan
na kaming pagbalingan ni Aleng Bebang.
“Mga bata dito nga kayo sa papag.” Tawag samin ni Mang Oka. “Dapat
bago kayo maglaro ay natapos nyo na ang inyong mga gawain sa bahay man o ang
inyong mga takdang aralin. At sana h’wag nyong kamuhian si Aleng Bebang.
Intindihin nyo sya. Mahirap ang maging ama’t ina para sa anak lalo na sa
kalagayan nila. Kaya kailangan ding tumulong ni Isay.” Patuloy ni Mang Oka.
“E pero po sabi nina Nanay at Tatay, dapat mga matatanda
lang ang nagtratrabaho.” Katwiran ni Marya.
“Tama ang sinabi nina Mareng Ason at Pareng Paeng, Marya.
Pero iba ang kalagayan ni Isay. Wala siyang tatay na dapat nagtratrabaho para
sa pamilya nila. Mga bata pa nga kayo at hindi nyo maiintindihan yan.” Paliwanag
ni Mang Oka.
Di pa lumulubog ang araw at malungkot kaming apat na umalis
ng tagpuan. Patungo na kami ng looban at kami ay nagaalala kay Isay. Sana ay
hindi na siya paluin pa ni Aleng Bebang at sana may ibang paraan para
matulungan siya. Magtatanong ako kay Tatay mamaya pag-uwi kung ano ang pwedeng
gawin para matulungan si Isay sa kalagayan nya. Yun narin ang sinambit ko kina
Marya, Kaloy, at Baste na banggitin sa mga magulang nila ang kalagayan nina
Aleng Bebang at Isay.
“Oo naman gagawin namin yun para kay Isay.” Sabi ni Baste.
“Si ate na bahala kina Tatay at Nanay.” Sabi naman ni Kaloy.
“Oo naman no. Kaibigan kaya natin si Isay. At tsaka
pasuporta naming to sa tambalang Isko-Isay! Halata ka talaga Isko. Mahal mo na
ba si Isay?” ang tanong ni Marya habang naka-akbay sa akin.
Umiling nalang ako at napangiti.